PAG-ASA. Ayon sa isang teorya ng sikolohiya na binalangkas ni Erik Erikson, ang pag-asa daw ay nakaugat sa kakayanan ng isang tao na buuin ang tiwala sa kanyang sarili at sa kapwa mula sa kanyang pagka-bata, at ito ay nangyayari kung sa panahon ng kagipitan o kakulangan, gutom o sakit, ang kanyang mga pangangailangan ay natutugunan ng mga taong nakapaligid sa kanya.
PAG-ASA. Ito ang diwang muling binuhay sa damdamin ng bawat Pilipino matapos mahalal si Pangulong Noynoy Aquino noong nakaraang eleksyon. Sa mahabang panahon, ang diwa ng pag-asang ito ay naging matamlay bunsod ng maraming dagok at pagkabigo na tinamasa ng ating mga kababayan, una na dito ang pagkawala ng ating tiwala sa mga taong inakala nating uunahin ang bayan bago ang sarili. Subali’t dahil na rin sa kabutihang-loob at kabayanihan ng marami sa atin, hindi tuluyang naglaho ang diwa ng pag-asa. Bagkus, ito ay lalong nabuhay at sumigla nang atin muling pinatunayan na sa harap ng karahasan at katiwalian, hinding-hindi tayo papayag na ang ating karapatang pumili ng ating mga lider ay muling pigilan sa pamamagitan ng pandaraya.
PAG-ASA. Ito rin ang diwang nagtulak sa bawat kabataan ng tahakin nila ang landas tungo sa kanilang mga paaralan nitong nakaraang linggo. Sa kabila ng limitasyon sa budget sa edukasyon, na atin muling nasaksihan sa mga nagsisiksikang klasroom, sa mga luma at sira-sirang aklat, upuan, at blackboard na bumati sa ating mga mag-aaral, tunay na nakabubuhay ng pag-asa ang kasipagan, pagtitiwala, at pagtitiyagang muling ipinakita ng ating mga kabataan at ng kanilang mga magulang at guro upang makamit ang edukasyon na sadyang nagiging mailap para sa marami sa atin.
Ang lahat ng suliraning ito sa edukasyon ay batid ng papasok na administrasyong Aquino, at para kay Pangulong Noynoy, ang edukasyong may kalidad ang isa sa mga pangunahing programang isusulong sa kanyang anim na taong panunungkulan. Binalangkas ni Pangulong Noynoy at ng kanyang mga kasama ang kanyang plataporma para sa edukasyon, na tinawag niyang 10-Point Education Reform Agenda, kung saan inilahad ang kanyang mga pangunahing proyekto upang lalong pag-ibayuhin ang edukasyon. Kapansin-pansin dito ang mithiin ng administrasyong Aquino na bukod sa makapagpatayo ng mas maraming paaralan, bigyang suporta ang pribadong sektor na katuwang ng pamahalaan sa edukasyon, mapalakas ang sistema ng technical vocational education, at mapasimulan ang malawakang mga pre-schools para sa lahat, nais bigyang pansin ng administrasyong Aquino ang pagpapahusay sa kakayahan ng ating mga mag-aaral sa pagbabasa, sa agham at sa matematika. Alam nating mababatid lamang ito kung tama at maayos ang pagkakasulat ng mga aklat na pinag-aaralan ng ating mga kabataan, at mahusay ang magiging pagkakaturo sa mga ito. Kapansin-pansin din na binigyang halaga ng administrasyong Aquino ang ating mga kababayang Muslim nang kanyang isama sa kanyang plataporma ang kahalagahan ng edukasyong Madaris.
Tunay na mabigat ang mga hamong kinakaharap ng administrasyong Aquino sa larangan ng edukasyon, at hindi ito agad-agad na maisasakatuparan. Subali’t tulad ng sambayanang Pilipino na buong-buo ang pag-asa sa isang bagong kinabukasan, ganoon din naman ang taglay na pag-asa ng administrasyong Aquino na sa kanyang pagpupunyagi upang maisakatuparan ang kanyang mga programa, makahubog tayo ng isang henerasyon ng mga kabataan na magiging sandigan ng sambayanan at magiging tunay na pag-asa ng bayan sa hinaharap. Ang tagumpay ng isang bansa ay nakasalalay hindi lamang sa mga lider ng pamahalaan, kundi nasa kamay ng bawat isang mamamayan na nangangarap at kumikilos upang mapabuti hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanyang pamilya at bayan. Dahil dito, lubhang mahalaga ang ating pagkakapit-bisig, pakikiisa at pakikilahok upang maisakatuparan ang edukasyon na nararapat lamang na makamit ng ating mga kabataan.
PAG-ASA. Ang edukasyon ay isang kayamanang hindi mawawala kailanman, at sa kasalukuyang kalakaran hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo, ang pagkakaroon ng isang de-kalidad na edukasyon ay puhunan hindi lamang upang mapabuti ang sarili, kundi ang lipunang ginagalawan. Ang edukasyon ay tunay na magpapalaya sa atin sa ating kamangmangan at kahirapan. Higit pa dito, magiging daan din ito upang mabatid natin na magkakaroon lamang ng kaganapan at kahulugan ang ating napag-aralan kung ito ay gagamitin natin sa paglilingkod sa bayan. Tunay nga na buhay ang diwa ng pag-asa kung makabubuo tayo ng isang henerasyong may tiwala at tunay na pag-ibig sa bayan dahil sa edukasyong humubog sa kanya. *



























