-123
Days
left
'til change.
You are here: Home Neric News on Neric Kayang Isipin, Kayang Gawin

NericAcosta2010.com

Kayang Isipin, Kayang Gawin

E-mail Print PDF

Bilang pangunahing column sa pahayagang ito, nais ko pong magpakilala sa inyong lahat. Ako po si ‘Teacher’ Neric Acosta, isang guro mula sa lalawigan ng Bukidnon sa Mindanao. Kasalukuyan po akong nagtuturo ng environmental management at governance sa Asian Ins­titute of Management at sa Ateneo de Manila School of Government.

Sa loob po ng tatlong termino ay naglingkod ako bilang isang mambabatas. Kinatawan ko po ang u­nang distrito ng Bukidnon. Sa loob po ng siyam na taong paglilingkod sa Kongreso, itinaguyod po natin ang mga mahahala­gang panukala sa usapin ng edukasyon at kalikasan. Kabilang po rito ang clean air, clean water and solid waste management na naisulong po natin bilang pangunahing may-akda.

Bilang bise-presidente ng Liberal Party ng Mindanao, isa po akong peace advocate na kumikilos upang itaguyod ang kapaya­paan sa Mindanao. Naniniwala po tayo na kung walang kapayapaan, wala rin pong kaunlaran. Nakakaapekto po sa buong bansa ang gulo at suliranin sa Mindanao, kung kaya’t kung anumang kaunlaran ang maisusulong sa Min­danao, na matagal nang tinaguriang ‘land of pro­mise’, ang buong bansa rin ang makikinabang.

Naniniwala po ako na sa kabila ng lahat ng suliranin at kahirapang kinakaharap ng ating bansa, isang magandang hinaharap pa rin po ang naghihintay sa atin. Dala po ng bagong taon ang pag-asa sa bawat Pilipino. Madalas ko pong sabihin sa aking mga estudyante bilang guro, at sa iba’t ibang sektor na aking nakakasalamuha bilang mambabatas, na madalas ay nakukuntento na lamang tayo sa “na lang”, o kung gagamitin natin ang wika ng mga komentarista sa boxing, “we punch below our weight”.

Marahil ay dala nga ito ng ligalig at kahirapan kung kaya’t sa araw-araw, naiisip na rin natin na hanggang “dito na lang” tayo.

“Sige na lang, hayaan na lang, tatahimik na lang, bahala na lang ... pare-pareho lang naman silang lahat na mga lider natin, kaya perahin na lang, dayain na lang, o ‘di kaya’y mag-abroad na lang.”

Ngunit hindi likas na mababa o maliit ang Pili­pino. Tayong lahat ay ipinanganak na anak ng Maykapal -- may dangal, may diwa at wagas na kabutihan, kagalingan at kadakilaan. Bakit natin palaging iniisip na “huwag na lang” kung maaari naman nating gamitin ang karunungan at kakayahang bigay sa atin ng Maykapal, na magtutulak sa atin upang sabihin “kung kaya nating isipin, kaya nating gawin!”

Kung palagi na lamang nating babanggitin ang katagang “na lang”, sinasabi natin sa ating mga sarili na may hangganan ang ating mga kakayahan, na hindi natin kayang baguhin ang masalimuot na sistema ng kasakiman at katiwalian sa ating bansa. Ang ganitong pag-iisip ang nagtutulak sa atin upang manatili na lamang tayo sa ating sariling mundo at hindi na harapin ang hamon ng pambansang pagbabago. Subalit kung ating sasabihin na “kakayanin natin”, hinihudyatan natin ang ating mga sarili na kumilos ng may buong tiwala sa ating kakayahan; na habang tayo ay may buhay, mayroong pag-asa, at hanggang may lakas at kakayanan, kaya nating mapangyari ang lahat ng ating mga mithiin para sa ating mga pamilya, pamayanan, at bansa.

Sa bagong taon at sa darating na eleksyon, makakatulong sa ating mga Pilipino na baguhin ang ating puso at diwa tungo sa isang kamalayan na “yes, we can”, sa pag-uuga­ling “kaya natin ito”. Ito ang positibong pag-iisip at pagkilos na kinakailangan ng ating bansa ngayon higit kailanman. Ito ang diwa na magtutulak sa atin upang patuloy na magtiwala sa ating mga sarili bilang mga Pilipino. Ngayon pong taong 2010, ang Year of the Tiger, umpisahan na po nating palaganapin ang “virus” ng pagbabago -- at nawa’y kumalat ang diwang ito sa isang tunay na “people-powered” na demokrasya at malayang lipunan.

Isang mapagpalayang bagong taon po sa inyong lahat, mga kapwa Pilipino. Mabuhay po ang bansang minamahal. Kung kaya nating isipin, kaya nating gawin!

Source Link: http://abante.com.ph/issue/jan0810/op_na.htm

 

Teacher Neric Gallery

Featured Video


More Videos

Like it? Share it!

Updates





Visit The LOBBYiST for more articles.

Liberal Party

The official website of the Liberal Party.

NoynoyAquino.ph

The Official Website of Sen. Noynoy Aquino III

MarRoxas.com

The official website of Sen. Mar Roxas.

Volunteer for Noy's Campaign

Volunteer for Noynoy Aquino's campaign.