Ngayong bagong taon at sa hinaharap nating halalan sa Mayo 2010, kailangang makabagong pananaw na ang mamamayani sa ating bansa. Alam natin na mas madali itong sabihin kaysa sa gawin. Ngunit ‘yun ang hamon sa lahat ng ating mga mamamayan, at sa lahat ng kakandidato sa darating na eleksyon.
Sa bawat botanteng Pilipino ang katanungan ay payak: ano ang ating taya sa halalan, sa ating kinabukasan? Magiging mapagmasid ba tayo sa pagpili ng ating mga pinuno na maglilingkod sa bayan? Ang katanungan para sa mga kandidato ay simple rin: ano ba ang mensahe ninyo sa taong bayan? Kayo ba ay nangangako at nagpapaasa lamang, o totoong nagbibigay ng pag-asa sa taong bayan?



























