Kahirapan at kawalan ng pag-asa. Sa mahabang panahon, ang mga ito ang nagtutulak sa marami upang tuluyan ng lisanin ang ating bayan at hanapin ang “mabuting buhay” sa ibang bansa. Sa kabila ng mga likas na yaman ng Pilipinas, at ng patuloy na pagpupunyagi at paggamit ng likas na kagalingan at kabutihan ng bawat isa sa atin, marami ang naniniwala na naiwan na tayo ng mabilis na pag-ikot ng mundo. Minsan ay hindi na nga maiwasang itanong ng iba sa atin: Saan nga ba tayo nagkamali, saan nga ba tayo nagkukulang? Bakit sa kabila ng ating pagsisikap ay naging napakahirap sa atin na abutin ang bayang ating pinapangarap? Sa harap ng mga ganitong katanungan, mabilis na ibato sa taong bayan ang paninisi: Wala raw tayong disiplina kaya hindi tayo umuunlad.
Subalit bukod dito, mahalaga na ating mabatid na ang isang dahilan ng ganitong katayuan ay nakasalalay sa kamay ng ating mga lider. Sa mahabang panahon, tayo ay pinamunuan ng mga lider na bagama’t naturingang may taglay na sariling kakayahan, talino, at galing, ay nakikita rin naman na tiwali at makasarili. Ang mga pinunong ito ay tila hindi nakababatid, o kaya ay pilit na kinalimutan, na ang “public office is a public trust,” na ang kanilang pananatili sa posisyon ay utang nila sa atin na taong bayan, na ang paglilingkod sa bayan at hindi personal na interes ang kanilang pangunahing gampanin bilang mga pinuno. Ang ganitong kaisipan ang nagtutulak sa kanila na ariin na parang kanila ang kaban ng bayan at abusuhin ang kapangyarihan ng posisyong kinaluluklukan. Sila ang mga lider na hindi karapat-dapat na tawaging “lider” dahil sa kanilang pagkakanulo sa tiwala na ibinigay sa kanila ng sambayanan.