Sa paggunita sa ika-77 kaarawan ng mahal nating dating Pangulo, Corazon C. Aquino noong nakaraang Lunes, 25 Enero 2010, muling nabigyan ng pansin ang kabutihan ng kanyang pagkatao at ang kadakilaan ng kanyang sakripisyo para sa ating bayan. Ang dating pangulo, Tita Cory sa ating lahat, ay isang mabuting ehemplo at pamantayan sa lahat na nagnanais maglingkod sa bayan sa mga darating pang panahon. Sa kanyang pagpanaw, muling pinatunayan ni Tita Cory na ang paglilingkod sa bayan ng buong puso at katapatan ay susuklian din ng sambayan ng pagkilala, pagmamahal at pasasalamat.